KAPE
- Words: Joshua Lao Graphics: Carissa Issel Daffon
- Oct 19, 2017
- 1 min read

Nalalapit na naman ang gabi. Sa unti-unting pagkagat ng dilim ay lalong
gumaganda sa kaniyang paningin ang silhouette na senaryong nasa harapan
niya ngayon. Gustong-gusto niya ang ganitong eksena. Naka-pwesto siya
ngayon sa paborito niyang spot sa kanilang balkonahe. Hawak niya ang
paborito niyang mug na may nakasulat na “Best Writer in the World” na
naglalaman ng hilig niyang inumin, isang mainit na mainit na kape. Sa pagitan
ng paghigop, ay napansin niya ang dalawang kalapati sa ibabaw ng poste ng
Meralco. Masyadong matamis para sa kanya ang ganitong tanawin. Hindi
niya kaya. Kung dahil ba ito sa diabetes niya o nakaraang mga karanasan
ay hindi niya alam. Nagfocus na lang siya sa mga ulap na dahan-dahang
lumulukob sa liwanag. Ilang sandali pa’y tuluyan nang inari ng kadiliman
ang paligid. Kasabay naman ito nang pag-aliwalas ng kanyang mukha dahil
sa kwentong namuo sa kaniyang isipan. Sa wakas may maisusulat na rin siya.
“Shit!”naibulalas na lang niya nang matabig niya ang paborito niyang mug.
Kasabay ng pagkawala ng kape sa kanyang tasa ang pagkalimot ng kwento na
naisip niya. Napailing na lang siya.