PANADERYA
- Words: Joshua Lao Graphics: Carissa Issel Daffon
- Oct 19, 2017
- 1 min read

“Nay totoo po ba na ang pudding sa bakery ay gawa sa pinagsama-samang lumang tinapay?” usisa ng bata sa kanyang ina
habang bumibili ng pudding sa bakery.
“Anak, hindi naman ganun kasama iyon, sadyang may mga bagay lang talaga na mas masarap ‘pag pasira na”
Hindi na lang pinansin ng may-ari ng bakery ang usapang naganap sa harapan niya. Siya rin kasi ang bantay sa panaderya.
“Pagbilan nga po ng pandesal ninyong ubod ng yabang” maangas na sabi ng isang panadero mula sa kalabang bakery.
“Bakit niyo naman ho nasabing mayabang etong pandesal namin?” usisa ng may-ari. “Puro kasi hangin eh” matapang na sagot
naman ng matanda.
Medyo nainsulto na ang may-ari sa pagkakataong ito pero dahil naniniwala siya sa kasabihang “The customer is always right”
ay pinalampas na lang niya ito.
“Ate bakit po ang daya ng pasas nung tinapay niyo? Lumilipad po eh” pang-aasar ng binatilyong nakatanghod sa raisin bread.
“Peste kang bata ka! Umalis ka dito kung ‘di ka bibili!!!”.
Umuusok na sa galit ang may-ari. Kinabukasan, hindi na muling nagbukas ang bakery. Kasalukuyan namang nagbubunyi ang
mag-ina, panadero at binatilyo na kapwa mga kaalyado ng kalabang panaderya.